Tulong at kasiyahan dulot ng Tipanan
Posted on 25 February 2010 by admin
Dalawang beses sa isang taon ginaganap ang Tipanan ng Migrante Melbourne. Ang ‘tipanan’ ay salitang tagalog na nangangahulugang tagpuan . Ito ang isang paraan ng Migrante Melbourne na mangalap ng sapat na pondong pinansyal at sosyal upang makatulong sa Migrante International sa pagpapatakbo nito ng Migrante Centre sa Pilipinas.
Sa Tipanan nagkakaroon ng pagkakataon ang buong pamilya, mga kaibigan, mga kakilala, mga iba pang kapwa Pilipino at mga kaibigan dito sa Melbourne na magtipanan, magsaya, maglibang, kumanta at umindak sa mga tugtug at awitin.
Matagumpay na idinaos ang Tipanan mula nang sinimulan ito noong taong 2005. Kabahagi sa tagumpay na ito ang mga sumusuporta sa organisasyon na naniniwala sa mga layunin at adhikain ng Migrante Melbourne.
Ang Migrante Centre sa Pilipinas ang nagsisilbing pansamantalang kanlungan ng mga naaabusong Overseas Filipino Workers (OFW’s) gayundin ng kanilang mga pamilyang nagmula pa sa mga probinsya. Nagbibigay din ng serbisyong legal, advo cacy, pagpapayo at iba pang serbisyo ang sentro para sa mga OFW’s kung sakaling may mga kasong nakabinbin tulad ng sahod na hindi natanggap buhat sa employer, kaso ng pang-aabuso o pangmamaltrato, pagmumulistiya, panggagahasa at iba pa.
Umaaabot na halos ng sobra tatlong libong Pilipino ang lumalabas ng bansa kada araw upang makipagsapalaran matustusan lang ang mga pang araw-araw na bayarin at pangangailangan ng pamilya sa kadahilanang ang katiting na sahod ay hindi sapat para makasabay sa pagtaas ng mga presyo ng mga bilihin, gastusin at serbisyo.
Ang mamamayang Pilipino ay patuloy na naghihirap subalit sa kabilang banda naman ay patuloy ang pagyaman sa pamamagitan ng pagkakamal ng limpak limpak na salapi ang mga malalaking negosyante at kapitalista, bundat at halal na burgesyang pulitikong kurakot sa gobyerno.
Bunsod nito, ang kawawang simpleng mamamayang Pilipino dahil sa kawalan ng sapat na hanap buhay sa bansa, sapat na pasahod at seguridad ay napipilitang makipagsapalaran sa ibayong dagat.
Isa ang Australya sa mga bansang destinasyon ng mga Pilipino upang magtrabaho pansamantala o di kaya’y permanenteng manirahan. Sa kasalukuyan tumataas dito ang bilang ng mga temporary skilled workers na Pilipino.
Dito sa Australya ang mga Pilipinong nasa Sub class 457 visa ay hindi ligtas sa pang-aabuso tulad ng kaso ng siyam na Pilipino sa Adelaide na tinulungan ng Migrante Melbourne noong nakaraang taong 2009. Ito ay isang halimbawa ng kaso ng matinding pang-aabuso tulad ng hindi sapat na pagpapasahod sa kanila, pagpapatrabaho ng sobrang oras at sa araw ng pahinga ng walang bayad, pagpapatrabaho sa kanila ng hindi naaayon sa pinirmahang kontrata.
Sa ngayon ang mga Pilipinong ito ay nabigyan na ng permanent residency visa ng Department of Immigration and Citizenship.
Ang Migrante Melbourne sa kasalukuyan ay may mga kaso pa ng pang-aabuso na hinahawakan.
Bahagi ng pondong nalilikom sa Tipanan ay inilalaan sa gastusin ng pagtulong sa mga naabusong Sub class 457 visa holder na Pilipino dito sa Australia.
Kaya malaking tulong ang ginagawa ng mga sumusuporta at dumadalo sa Tipanan. Hindi lang saya ang kanilang makukuha bagkus ito rin ay may kasamang pagtulong sa mga kapwa Pilipinong nangangailangan sa loob at labas ng bansa. ####





