Resource Super Profit Tax: mga kuro kuro ng isang manggagawa
Posted on 03 June 2010 by admin
Noong ikalawa ng Mayo, ipinahayag ng gobyernong Rudd ang plano nitong ipatupad ang isang kontrobersyal na buwis sa isa sa pinakamalaking industriya sa Australia. Ito ang tinatawag na Super Profit Tax na naglalayong magpataw ng 40 porsyento buwis sa tubo ng malalaking mga kompanya ng mina.
Ilang araw matapos maibalita ang plano ay umakit na ito ng sari-saring mga kuro-kuro, batikos at pagsusuri galing sa iba’t -ibang panig ng lipunan. Marami ang nagsasabi na hindi tuluyang bumagsak ang ekonomiya ng Australia nitong nakaraang krisis pampinansyal dahil sa biglang paglakas ng pangagailangan sa mga yamang mineral, katulad ng coal at iron ore, ng China at ng iba pang mga bansa sa Asya.
Bakit kailangang patawan ang mga kompanyang ito ng mas malaking buwis kung gayong ito pala ay nakakatulong sa ekonomiya ng bansa?
Lumalabas sa mga pagsusuri na ang pinakamalalaking kompanya ng mina katulad ng BHP at Rio Tinto ay hindi na pagmamay-ari ng Australia. Apatnapung porsyento ng BHP at 70 porsyento ng Rio Tinto ay pagmamay-ari na ng mga banyagang kompanya. Sa loob ng sampung taon, kumita ang mga kompanyang ito ng higit sa AU$80 bilyon ngunit AU$9 bilyon lamang ang napunta sa kabang-bayan ng Australia. Ang napakalaking kita ng mga kompanyang ito, na galing sa likas yaman ng Australya ay napupunta lamang sa ibayong-dagat.
Ngayon pa lang ay nagpahayag na ang mga malalaking kompanya na lalabanan nila ang pagbaba ng patakarang ito sa pamamagitan ng media. Determinado ang malalaking kompanyang ito na hamunin ang patakarang ito sa pamamagitan ng paglaban sa parlyamentaryo gamit ang partidong liberal at iba’t-iba pang media-based propaganda. Naglalabasan ang malalaking pahina ng patalastas na naglalayong gumawa ng mass-hysteria laban dito.
Ginagamit nila ang argumento na dahil sa buwis na ito, malaki ang posibilidad na umalis ang mga malalaking kompanyang ito at mamuhunan na lamang sa mga bansa sa Africa o sa North America. Sa kabilang banda, ito ay mistulang scare-tactic lamang sa kadahilanang hindi naman naililipat o naisasalin ang mga likas-yaman hindi tulad ng ibang yaman tulad ng lakas-paggawa. Ang pangagailangan ng mundo sa mga minerals na ito ay idinidikta lamang sa mga kompanyang ito. Sa madaling salita, hindi aalis ang mga kompanyang ito dahil dito nila kinukuha ang mga likas-yamang ito sa Australya.
Ang buwis na ito ay hango na sa netong kita ng mga kompanyang mina. Nabawas na lahat ng gastusin at ito ay mababawas lamang sa perang mapupunta sa bulsa ng mga may-ari ng kompanya. Hindi ito gaya ng ‘income tax’ nating mga manggagawa na hango sa buong kita natin. Kahit ano pa kalaki ng gastusin natin sa ating pamilya, nagbabayad pa rin tayo ng buwis.
Ang Resource Super Profit Tax ay magiging makatarungan lamang kung ang patakarang ito ay naglalayong makabuti sa pamumuhay ng mga manggagawa at mamamayan at mabawasan ang pagwasak sa kalikasan. Nasa interes ng Australia na ibalik ang kita ng mga malalaking kompanyang ito upang magsilbing puhunan na magiging kapaki-pakinabang sa lahat ng mga mamamayan. Mahalagang maibalik sa mga mamamayan ang bahagi ng yaman ng bansa na kanila din namang pagmamay-ari.
Kung ang buwis na ito ay mapupunta lamang sa pagpapatayo ng inprastaktura para sa mga kompanya ng mina, hindi ito mapakikinabangan ng mga mamamayan. Kailangan isaisip na dapat ay nawawasto sa lokal na mga proyekto sa pagpapasya kung ano ang gagawin sa buwis na ito.
Kailangan ding maging mapagbantay ang mga manggagawa at mga unyon ng industriyang ito sa mga gagawin ng mga malalaking korporasyon. Kailangang matyagan ng mabuti upang masigurong hindi magiging dahilan ang buwis na ito upang abusuhin ang karapatan ng mga manggagawa.
Hindi pa tiyak kung saan talaga mapupunta ang kita sa buwis na ito sa kadahilang sa taong 2012-2013 pa ipatutupad ang patakarang ito. Subalit ngayon pa lamang ay kailangan na nating tingnan ang magiging epekto nito sa hinaharap.
By Stephanie Rabusa





